Thursday, May 29, 2008

Gay's Anatomy

Kahit nagpupumilit, hindi ako pumayag na samahan ni Kulot sa ospital noong Martes. Gusto kong ipakita sa kanya na kaya ko, na isa akong liberated woman.

Mali ako. Kailangan ko pala ng alalay para sa proper documentation ng operation.

Kaya pasensya na sa di gaanong kagandahang photos-- kaliwang kamay lang ang gamit ko sa pagkuha.



Spotlight



Ang ooperahang kanang kamay



Prep. Pinaliguan ng betadine ang aking kamay.



Tinusok na sya



Hiniwa na



Hinalukay















Nag-umpisa ng manahi si doc



Sealed na



At tinakpan



Ang hirap magcomputer na isang kamay lang ang gamit.

At dahil nasa ospital na rin lang ako, tinodo ko na.

Coming up: Photos of my sex change operation.

Wednesday, May 21, 2008

Bukol

Akala ko buntis ako. Yun nga lang, sa kamay ko tumubo ang bukol.


Nagpatingin ako sa doctor kanina. Cyst daw.







Nagpa-schedule na ako para tanggalin ito. Next week.


At dahil dito nagpullout na ako sa French Open, na magsisimula sa linggo.

Friday, May 16, 2008

Are you ready...

Fiesta noong Huebes sa amin.

Wala naman gaanong kaganapan sa araw -- the usual dagsaan ng mga tao.

Wala kaming handa sa bahay, dahil alam naming marami kaming mapupuntahang makakainan. Ni hindi nga kami nagluto ng lunch at dinner.

Pagkatapos magdinner sa ibang bahay, nagsiuwian na ang mga bakla para magprepare sa disco.

At dahil di lang kain ang ginawa ng mga bakla, medyo lasing na ang mga ito nang pumunta sa disco sa gym.

As usual, nasa bahay lang kami ni Kulot. Di kasi sya mahilig sa disco. Sumasakit ang ulo nya sa malalakas na music. Ako naman, nakikisimpatya sa kanya. Nagkulong kami ng kwarto matapos manood ng koreanovelang "Legend."

Hindi namin alam na mas may aksyon pala sa disco.

Nag-umpisa ang lahat dahil sa tawanan ng mga baklang dumayo sa lugar namin mula sa kabilang bayan ng Sigaboy.

At, sa inis ni Me-anne, hinatak niya ang nakataling buhok ng isa.

Sabay sa kantang Piece of Me ni Britney, lumapit ang isang bakla kay Red.


"Pakisabi don sa kasama nyong bakla "fuck you" sya," sabi ng bakla.

At dahil sobrang lakas ng tugtog, naiba ang pagkarinig ni Red.

"Anong fuck you?" tanong ng bakla sabay suntok sa kausap.

Nagitla ang bading, di alam kung bakit bigla na lang may tumama sa panga niya.

Biglang lapit ang mga kasama nito, handang ipagtanggol ang kanilang kasama.

Biglang lapit din ang mga bakla sa bayan namin.

Rumble.

Nakatadyak si Red.

Nakasuntok si Me-anne.

Nakasuntok din si Re-Re.

Ang mga kalaban, walang nagawa. Ni isang kurot, di nagawa.

Mga ilang minuto rin ang away, ang mga bakla, pinaikutan ng mga lalaki na animoy mga lubid sa isang boxing ring.

Tumigil lang ang lahat nang pinatay ang music at binuksan ang ilaw.



"Gusto ko sanang tumulong, pero pinigilan ako ng partner ko. Wag na raw ako sumali sa away, sayaw na lang daw kami," sabi ni Fiona.


Kanya-kanyang version ang mga bakla -- kung sino ang nagumpisa ng away, o kung sino ang tinamaan, o kung sino ang nakatama.


At sa gitna ng kaguluhan, may sariling eksena si Patricia.


Tipong nagpapanic ang kanyang papel, umiikot sa mga nagsasapakang bakla, habang paulit-ulit na sinasabi: "Tama na! Sosyalan dapat ang drama! Madame-Madame dapat ang concept!"

Sunday, May 11, 2008

Laging Handa!

Umuwi ako ng city noong Thursday. Birthday kasi ng Nanay ko noong Biernes.

At habang busy ako sa paggawa ng aking Blueberry Cheesecake sa city, abala naman si Kulot sa kanyang wedding cake. Kasal kasi ng pinsan nyang si Cocoy-- ang aming ever reliable habal-habal driver. At, wedding cake ang regalo namin sa kanya.

"Musta ang luto mo dyan?" text niya sa akin.

"OK lang. Di ako sure kung tama ba ito o hindi," reply ko.

"Bakit naman?" tanong niya.

"E brownish ang kulay ng cheesecake e, hindi puti," sagot ko.

"Ganyan talaga sa labas, pero paghiwa mo, puti yan," sabi niya.

"At bakit mo naman alam?" tanong ko.

"Lahat ng cake ganyan, medyo sunog ang sa labas," confident na text niya sa akin.

Kinagabihan, sa birthday party ng Nanay ko, napatunayan kong tama si Kulot.



"Kumusta ang luto mo?" time ko namang magtanong sa kanya.

"OK lang. Tapos na ang cakes. Icing na lang," reply niya.

"Ano design mo?" tanong ko.

"Surprise na lang," sagot niya.


Hindi ako kuntento sa sagot niya. Tinext ko si Fiona.


"Ano design ni Kulot sa cake?" tanong ko sa bakla.

"Parang perya," reply niya.


Ayokong isipin.


Di ako agad umuwi sa bukid. Lamierda muna. Naglaro kami ng badminton ni Bananas at ilang friends kagabi. Inggit ang Kulot.


"Kailan ka uwi?" text ni Kulot kanina.

"Di pa ako sure. Why?" sagot at tanong ko.

"Habol ako dyan," sagot niya.

"Kailan?" tanong ko.

"Sa Martes, uwi tayo sa Huebes kasi fiesta," sagot nya.

"OK," sagot ko.


Ewan ko kung anong pumasok sa ulo ni Kulot at pupunta rin sya ng city.

Basta ako dapat laging handa.

Kailangan kong magprepare.

Kailangang kong bumili ng hose.

Monday, May 5, 2008

Surf Mas Pinalakas

Hindi lang si Kulot ang naloloko sa internet. Pati na ang mga bakla.

At tulad ng kanta ni Heber Bartolome, nag-iiba ang career ng mga bakla.




Bago dumilim
Si Nena'y umaalis
Laging nakamake-up
Maiksi ang damit





Ang itsura nya
Ay kaakit-akit
Bukas na ng umaga
Ang kanyang balik





Ayaw ni Nena
Ngunit...


At ang bagong motto ng mga bakla: "Sagot sa kahirapan, chatting!"


Ito ay sa pangarap na may isang dayuhang mabighani sa kanilang ganda, kukunin sila at ilalayo sa sadlak na kahirapan.

OK na rin daw kahit di sila alisin sa bukid, basta lang e magpadala ng pera.

Friday, May 2, 2008

Surf

Good news mula sa bukid: may internet connection na sa amin.

Nag-open this week ang internet cafe sa bukid namin.

Ang daming tao-- actually, mga bata. Naglalaro ng DOTA. Ang iba, nagcha-chat. Ang iba naman, friendster ang pinagkaka-abalaan.

Ang magandang balita para sa akin ay may wifi. At ang pinakamagandang balita ay abot sa parlor ang signal ng wifi. Kaya habang pumipila ang lahat at nag-aantay na may bakanteng unit sa internet cafe, nasa parlor lang kami. Sa katunayanan, ginagawa ko ito habang nagcha-chat kami ni Ms Lyka Bergen.

Pero may downside ang lahat. Kumpetensya ko si Kulot sa pag-gamit ng laptop.

Eto sya


Eto pa


Ang babastos ng sini-surf nya sa net.