Tuesday, October 20, 2009

Lovers in P

Hindi Paris. Post Office.

Maaga siya sa bahay. Nagmerienda sila ng barkada nya. Coke at tinapay. At noong medyo madilim na, nagsuggest si Fiona na magtinolang manok kami. Sina Baby Glen at dalawang tropa nya ang bumili ng native chicken. Kinatay nila ito.

Ang mga bakla naman ang umikot sa mga kapitbahay para maghanap ng papaya, tanglad, talbos ng sili at malunggay.

Si Fiona ang nagluto. Ang sarap ng sabaw. Medyo matigas nga lang ang laman ng manok dahil di na namin inantay na lumambot ito.


"Mabuti yan para hindi agad maubos," rason ni Fiona.


Pagkatapos ng hapunan, session na. Baraha. Sugal.


At habang natatalo ako, umiikot naman ang tagay - Tanduay at Iced Tea.


Naubos ang "gambling budget" ko na P100. Naubos din ang inumin. Pero tuloy pa rin ang mga bakla sa laro. Lumabas kami ni Baby Glen. Sa waiting shed sa harap ng Post Office kami pumunta. Nag-usap. Nagpakamot ako sa nangangati kong likod.


"Namumula na sya," sabi nya.


"OK lang yan," sabi ko.


"Baka masugat," sabi nya habang patuloy sa pagkamot ng likod ko.


"Sanay na ako sa ganyan. Mas gusto ko mas madiin," sagot ko.


"Matatanggal ang kati kung maliligo ka," nakangising sabi nya.


"Naligo kaya ako. Ganyan talaga, nangangti likod ko kapag inaantok na," mabilis na sagit ko.


"E kung di ako, sino nagkakamot ng likod mo?" tanong nya.


"Mga bakla, ang hahaba kaya ng kuko nila," sagot ko.


"E si Kulot?" tanong na naman nya.


"Noon, OO," sagot ko.


At naging topic ng usapan si Kulot. Andami nyang tanong. Sinagot ko lahat. Nakakapagod ang pabalikbalik na kwento. Kailangang change topic.


"May sasabihin ako sa yo, sana di ka mabibigla," sabi ko.


"Ano yon?" seryosong tanong nya.


Di agad ako nakasagot. Nag-isip. Tumingin sa malayo. Bumalik ng tingin sa kanya. Tinitigan sya sa mata.


"Hindi kita mabibigyan ng anak," sabi ko.


Siya naman ang natahimik. Sabi ko na nga ba mabibigla sya.


"Pero pwede naman tayong magpalaki ng gold fish," sabi ko.


Hindi pa rin sya kumibo. Sya naman ang nag-isip. Tumingin sa malayo. Bumalik ang tingin sa akin. Tinitigan ako sa mata.


"Mas maganda kung fighting fish. Paramihin natin. Ibenta natin sa labas ng elementary school. Mabenta sa mga bata," sabi nya.


Sabay kaming tumawa. Pinausog ko sya. Humiga ako sa hita nya.


"Mag-enrol ka kaya sa Sped," sabi ko.


"Ha? Bakit? Nakatapos kaya ako ng high school," sabi nya.


"Ibig kong sabihin doon ka sa klase ng mga MR," paliwanag ko.


"Sige para classmates tayo," mabilis na sagot.


Nagtawanan kami. Kwentuhan. Tawanan. Di namin namalayan na alas tres na ng madaling araw.


Pero ramdam ko ang mabuto nyang hita na ginawa kong unan. Teka, hita ba talaga yon?

Saturday, October 10, 2009

Tinapay

Ayokong makialam sa kalagayan ni Kulot. Ginusto nya yon. Magdusa sya.


Aktuali, busy ako sa ibang bagay. Isang lalaki. Siya si Glen.


At kanina, pumunta kami ng beach, kasama ang mga bakla at ilang barkada nya na nagsilbing mga bugaw.


Si Patricia, kumakanta ng "Pure Shores" habang nakikinig ang isang tagahanga




Mabait naman si Glen. Pero ang joke nya ay "high school crush" niya si Fiona. Kasi naman ang bakla laging tumatambay sa labas ng post office kung saan dumadaan ang mga estudyante mula eskwela. Pero ngayon, di na raw nya crush si Fiona, kasi nakita nya itong binubunot ang sumpa sa kanyang pagkababae.






Cute naman sya




Mas cute ang tawag niya sa akin. Honey Buns. Ano ako tinapay?

Wednesday, October 7, 2009

Alipin

Kusang dumarating ang mga balita sa akin. At eto ang update kay Kulot. Wala sya sa Manila.


Lima silang umalis noong September 28. Sakay ng eroplano. Libre daw ng employer nila. Pagkalapag sa Manila, nananghalin kung saan. Ang sabi may "ti" daw ang ending ng lugar. Sa Makati siguro. Di pwedeng sa Cavite, dahil "te" at hindi "ti".


Pagkakain, dumiretso na sila sa byahe. Sa Cagayan Valley. Sobrang layo. Sa isang beach resort daw doon.


Noong makarating sila sa destinasyon, nagtext kaagad ang Kulot sa nanay nya. OK lang daw sila. Binigyan na ng mga assignment kung ano ang gagawin sa P200 per day na sweldo.


At ang sabi, maglilinis lang daw sila ng dalampasigan. Magwawalis. Sakay ang bangka, aalisin kung ano man ang lumulutang sa beachfront. Madaling trabaho.


Limang araw ang nakalipas, nagtext uli ang Kulot sa nanay nya. Nagrereklamo. Di raw maganda ang kinalabasan ng trabaho nila. Kakaltasin daw ang gastos sa kanilang pagbyahe sa sweldo nila. Pati na yung plane tickets ng tatlong umatras sa lakad.

Malabo din daw ang assignment. Mula sa tagalinis ng beachfront, kung ano-ano ang pinapagawa sa kanila -- all around kung baga.


Napaisip ako. Noong kami pa ni Kulot, nanonood naman sya ng XXX at Imbestigador.