Thursday, June 28, 2007

Sugal

Ang ganda ng araw ko. Maaga akong nagising, katabi si Kulot. Nakayakap sya sa akin. Ako naman, yakap din. Ginawa nyang unan ang aking kanang balikat. OK lang sa akin. Tinigil ko lang ang eksenang ito nang magmanhid na ang aking balikat.

Bumangon ako. Nagpakulo ng tubig. Nagluto ng almusal. Ginising si Kulot at mga bakla nang ready na ang breakfast.

Matapos kumain, yosi. Dito nalaman ni Kulot na ubos na ang Marlboro niya. Di nya type manghingi sa aking Philip Morris. So, nanghingi sya ng pambili. Binigyan ko naman sya ng P50.

Pero isang oras na ay di pa sya bumabalik.

"Saan kaya ang Kulot?" tanong ko sa mga bakla.

Walang sagot. Itinext ko sya. Narinig ko ang message alert niya. Nasa kwarto ang cel niya. Sya naman ang pagdating ni Red.

"Nakita mo ang Kulot?"

"Haay, nasa pasugalan ni Bert," sabi ng bakla.

"Nakaupo o nanonood lang?" tanong ko.

"Nakaupo po. Player sya," sagot niya.

Uminit bigla ang ulo ko. Lumabas ako ng bahay. Papunta sa pasugalan nina Bert, dumaan muna ako kina Tita Bash at hinanap ang anak niyang si Inday.

"Day, pahiram muna kay Princess, ipapasyal ko," sabi ko.

"Di pa sya naliligo," sabi ni Inday.

"OK lang, di pa rin naman ako naliligo e," sabi ko.

(Siya si Princess)


Dali-dali kong kinuha ang baby at sumugod sa pasugalan.

Pagpasok ko kina Bert, nakatalikod sa akin ang Kulot. Busy ang lahat sa kanilang baraha. Timing ang dating ko.

"Ano ba? Nagsusugal ka na naman? Wala ng gatas si Baby!" drama ko.

Nagtawanan ang lahat ng sugarol. Si Kulot nagulat. Nakakunot ang ang noo.

Tapos binulong sa akin: "Uwi ka na, nananalo ako."

Tiningnan ko ang pera nya sa table at sinabing: "OO nga ano. Magkano puhunan mo nyan?"

Bulong nya: "Yung sukli ng P50."

Sinagot ko sya ng: "Sige uwi na ako. Good luck."

Noong medyo malayo na ako sa pasugalan, humirit pa ako ng: "Wag mong kalimutan ang gatas ng bata ha?"

Na sinagot naman ni Kulot ng: "OO."

Ibinalik ko si Princess sa nanay niya. Umuwi ako ng bahay. Pero hindi ako mapakale. Bumalik ako ng pasugalan.

"Ano na naman?" tanong ni Kulot.

"Wala. Kukuha lang ako ng picture nyo," sagot ko.

(Si Kulot ang naka-cap and green shirt)

Tuesday, June 26, 2007

Sister DJ

Siya si Sister DJ. Malamig ang tinig. Maamo ang dating. Pang-radyo.

At dito sa probinsya namin, iisa lang ang radio station noon. Ito ang dx____. At ang may pakana— ang Obispo. Gamit ang pera ng simbahan mula sa nakokolekta ng supot ni Hudas na umiikot tuwing offertory kapag may misa, ipinatayo ng Obispo ang radio station.

At dahil simbahan ang financier, dapat taga simbahan din ang mga announcer— mga pari at madre.

Pero ang pinakasikat noong bago pa lang ang station ay si Sister DJ.

Magimik din ang madre, gumawa ng sariling jingle para sa kanyang programa. Sya rin ang kumanta sa jingle nyang: “Sister DJ can I make a request? Pwede ba yung love song ko?”

Tapos papasok si Sister DJ sa kanyang usual intro sa programa na binubuo ng mga pop songs at “salita ng Diyos” in between.

Minsan, matapos basahin ang isang verse sa Bible, sabi ni Sister DJ: “At yon ang salita ng Diyos,” sabay fade in ang isang instrumental song na para bang soundtrack mula langit. Ilang segundo lang ay fade out ang instrumental song at fade in naman ang pop song:

Tangnananangnanangnang. Tangnananangnanangnang. (Ang gara ng bass ng song)

Ice, Ice Baby
Ice, Ice Baby
All right stop, collaborate and listen
Ice is back with my brand new invention…


Nakakabaliw si Sister.



Minsan din, ininterbyu nya ang isang lalaki.

Sister DJ: “Ano po ang sadya natin?”

Lalaki: “Mananawagan lang po.”

Sister DJ: “O sige po, manawagan na po kayo.”

Lalaki: “Bago ang lahat, gusto ko pong sabihin na ang ganda pala dito sa dx____. Ang lamig ng aircon. Pero sister, bakit gawa sa tray ng itlog ang kwarto?”

Sister DJ: “Pang-sound proofing po yan. Para po di lumabas o makapasok ang ingay.”

Lalaki: “Ganon ba?”

Sister DJ: “Sige po. Iinterbyuhin ko na lang kayo. Kanino po kayo nananawagan?”

Lalaki: “Sa misis ko po.”

Sister DJ: “Ano po ang problema?”

Lalaki: “Pwede po wag na lang iparadyo ang dahilan?”

Sister DJ: “Bakit po?”

Lalaki: “Sensitibo po.”

Tapos, may ibinulong ng lalaki kay Sister DJ. Tumango ang madre.

Sister DJ: “O sige po, manawagan na kayo.”

Lalaki: “Nanawagan ako sa misis ko. Day, punta ka dito sa ________. May problema. Dito ko na lang sasabihin sa yo. Punta ka kaagad dito.”

Sister DJ: “Tapos na po?”

Lalaki: “Opo.”

Sister DJ: “Yon po si Mr. ________, nanawagan siya sa kanyang misis. Inuulit ko, Misis punta agad kayo sa _________ dahil na-RAPE po ang inyong anak…”

Ewan ko na lang kay sister.



Minsan naman, nag-time check siya.

Mala-anghel na boses: “Ang oras, alas nueve.”

At nagpatugtog ng:

I've been alone with you inside my mind
And in my dreams I've kissed your lips a thousand times
I sometimes see you pass outside my door
Hello, is it me you're…
Nyeeeeek

Akala ng mga nakikinig sira ang plaka. Pero hindi, sadyang pinahinto ang tugtog at sa pagmamadali ni Sister DJ, hinatak nya ang pin ng record player.

Mala-anghel pa rin ang boses: “Sorry, alas dies na pala.”



OO nga pala, umalis na si Sister DJ sa pagkamadre. Di sya naging full-time DJ. Nabuntis sya ng isang pari.

Sunday, June 24, 2007

Last Birthday

Birthday ni Red kahapon. Kaya noong isang gabi ay sinalubong namin ito. Lahat ng bakla nasa isang videokehan sa palengke. Kantahan. Inuman. Alas Dies pa lang ay lasing na kami.

Umuwi kami ng bahay hatinggabi. Ang iingay ng mga bakla. Nabulahaw ang mga kapitbahay. Walang katapusang greet ng “Happy Birthday Red.” Ang Red, wala ring katapusang sagot ng “Thank You.”

Tumigil lang kami sa Happy Birthday Red at Thank You, at tawanan in between, nang mag-on ng ilaw sina Tita Bash, ang aming kapitbahay. Ibig sabihin, pinapatahimik na kami dahil baka magising ang kanyang three-month old apo na si Princess.

Kanya-kanyang pasok sa kwarto. Ang iba, naglatag ng banig sa sala. Sa room ko, humihilik ang Kulot, nagpa-iwan at di daw nya type ang uminom. Alam ko ang totoong dahilan, manonood sya ng Jumong.

Kinaumagahan, nauna akong nagising. Nagpakulo ng tubig. Magkakape na sana nang mapansin kong wala ng asukal.

Takbo ako ng kwarto, kuha ng coin purse at diretso sa tindahan nina Tita Bash. Iba ang tingin ni Tita Bash. Mukhang puyat.


“Sorry kagabi, birthday kasi ni Red ngayon, sinalubong namin kagabi,” sabi ko.

“Ano atin?” tanong niya, deaddma sa birthday ni Red.

“Asukal,” sagot ko.

Pagkaabot niya ng asukal, sabi ko: “Sorry uli ha. Last birthday na kasi ni Red ngayon.”

Nagkainteres ang Tita Bash at tinanong: “Last?”

“OO, last na,” sagot ko.

“Bakit last?” tanong niya.

“Kasi baka hindi na sya umabot next year. Six months lang kasi ang taning sa buhay niya,” sagot ko.

“Ha?” tanong niya.

“May cancer sya sa lalamunan,” pabulong na sabi ko sabay talikod at alis pabalik ng bahay.


Ang sarap ng kape.

Kinahapunan sa parlor, dumating si Inday, ang anak ni Tita Bash at nanay ni Princess.

Konting kwentuhan, tapos nag-aya sya sa amin ng coke sa videokehan. Go ang mga bading kasi wala naming customer sa parlor.

Bago kumanta si Inday, humirit pa sya ng: “This song is dedicated to Red.”


Goodbye to you, my trusted friend.
We've known each other since we're nine or ten.
Together we climbed hills or trees.
Learned of love and ABC's,
skinned our hearts and skinned our knees.

Goodbye my friend, it's hard to die,
when all the birds are singing in the sky,
Now that the spring is in the air.
Pretty girls are everywhere.
When you see them I'll be there.

We had joy, we had fun, we had seasons in the sun.
But the hills that we climbed
were just seasons out of time…



Binulungan ko ang Red at sinabi sa kanya ang pag-uusap namin ni Tita Bash earlier.

Pagkatapos kumanta, kinausap ni Inday si Red.

“Kumusta ka na?” tanong niya.

“OK lang,” sagot ng bakla.

“Nagpapacheck up ka pa?” tanong ni Inday.

“Wag na nating pag-usapan yan. Gusto kong kalimutan ang mga problema ko,” ang dialogue ng bakla.

Tumahimik sandali si Inday bago humirit ng: “Magdasal ka lang lagi, walang imposible sa Diyos.”

Ang Red, tulad ng paulit-ulit niyang sinabi sa nakalipas na dose oras, sumagot ng: “Thank You.”


Ilang kanta pa at umuwi na ang Inday. Kami, balik parlor.

Mga alas-singko nang mag-announce ang Red na sa kanila daw dinner lahat ng bakla, nagtxt daw ang nanay niya at may konting handaan.

Maaga kaming nagsara ng parlor. Diretso sa bahay nina Red. Naandon buong pamilya nya. Inumpisahan sa dasal. Then, kanta ng walang kamatayang “Happy Birthday To You” song.

Pero sa kalagitnaan ng kanta, umiyak na ang Nanay ni Red.

Napatigil ang lahat, maliban kay Kaye na feel na feel ang pagkanta habang nakatingin sa younger brother ni Red.

Lumapit si Red sa nanay niya.

“Bakit kayo umiiyak?” tanong niya.

Lalong humagulhol.

“Bakit nga?” tanong uli ng bakla.

“Bakit di mo sinabing nagpapacheck-up ka pala? Bakit di mo sinabing may cancer ka?” tanong ni Tita Nena.

Natigilan ang Red.

“Ma, gimmick lang namin yon para di magalit ang mga kapitbahay kasi ang ingay namin kagabi,” sabi ni Red.

“Ha?” tanong ni Tita Nena.

“Chuva lang yon Ma,” sagot ng bakla.

Nagbago ang expression sa mukha ni Tita Nena. Bigla itong nagkabuhay. Ngumiti. Sininghot ang uhog. Pinunasan ng kwelyo ang kanyang luha. Inayos ang buhok.

“Punyeta ka! Naghanda pa ako!” sigaw nya, sabay sabunot sa anak.

Friday, June 22, 2007

Skimming Faggots

Paano ba magskimboarding?

Simple lang. Una, dapat ay may skimboard ka. Kung wala, manghiram. Kung walang gustong magpahiram, itigil ang ilusyon. Magsunbathing ka na lang.

Pero kung meron naman, umpisahan na ang skimming.

Lumayo sa tubig. Dapat medyo may kalayuan ang pagtakbo mo papuntang tubig. Kung medyo malapit ka na sa tubig, itapon ang board. Dito papasok ang mahirap na eksena. Habang tumatakbo ang itinapong skimboard, sakyan ito. Ihiwalay ang dalawang paa para balanse ang iyong pagtayo. Maglayag.

Mahirap sa umpisa pero kalaunan ay masasanay ka rin. Hahanap-hanapin ito ng iyong katawan. Matutuo ka na ring bumasa ng alon. Mai-inlove ka sa dagat.

Eto ang ilang sample photos.












Pero para kina Princess Fiona, Kaye at Red, ang tamang paggamit ng skimboard ay ganito.

Thursday, June 21, 2007

Harana

Naaalala nyo pa ba si Kulot?

Eto sya. Kinakantahan ako. Nakakatouch di ba?




Pero di ko ma-take ang pagkaskas nya ng gitara. Wala sa tono. Wala sa tiempo.

Lalo akong nairita nang kinanta niya ang...


Look, Dick look, look at Jane

See Jane laugh and play

Look, Dick look, see pretty Jane

I'm gonna marry her someday



Sarap hampasin ng gitara. Pinigilan ko ang aking sarili, hindi dahil mahal ko si Kulot. May kamahalan ang gitara ko.

Kaya ang sabi ko sa kanya, itigil na ang pagkanta at gawin ito:







Hindi nya naayos ang sirang electric fan. Ok lang sana sa akin kung di nya nagawa ang task. Ang masama, di na niya binalik ang bronze wiring sa loob ng makina. Sayang daw. Ipapakilo daw namin.

Wednesday, June 20, 2007

Move over, coconuter

Nagising ako sa ingay sa labas ng bahay. Di ko ito pinansin. Pinilit kong makatulog ulit, hanggang sa may nahulog sa bubong. Sunod-sunod na kalabog. Bumagsak ang ilang pirasong niyog. Sumilip ako sa bintana. It's harvest time ng mga mangangarit.





At dahil binulabog nila ang mahimbing na tulog ng mga bakla, kailangang patas ang laban. Binulabog din namin ang buong neighborhood.

Si Kaye, ang tunay na coconuter.
















Saturday, June 16, 2007

Bakit nga ba?

Naalala ko pa ang huling post ko-- Ang Tinola. Ito yung pinagluto ako ni Kulot matapos akong maospital dahil tumaas ang blood pressure ko. Sya ang unang pumunta ng ospital kahit na hiwalay kami that time. Na-touched ako. Wala akong lakas para labanan ang sigaw ng kilig. Kaya ang ending-- balikan.

Sa umpisa, naisip ko na ang pagba-blog ko ang dahilan ng ilang ulit naming away at hiwalayan ni Kulot. Kaya nagdecide akong itigil na ang pagsulalat.

Pero may asungot. Sa huling post ko, may nagcomment. Si DM. Ang dating girlfriend ni Kulot. Inaway niya ako sa comment niya. Bakit ko raw binalik ang nakaraan? Bakit ko raw siya isinulat?

Pero hindi ang comment niya ang nagtulak sa akin para itigil ang pagsusulat. Ang totoo, sinagot ko pa ito. Sabi ko: Kasama ang past sa buhay namin ni Kulot at may karapatan akong isulat ito. Mahaba-haba rin ang sagot ko. Pero noong binasa ko uli ang comment nya, doon ko napansin na ang pambungad niya ay "Hoy (name ko)!"

Nagpanic ako. Naisip ko baka ibisto ng babaeng ito ang tunay na katauhan ni Mandaya. Baka ipagkalat niya na isa akong tunay na babae. Ching!

At dahil don, naisipan kong idelete ang buong blog-- 88 posts lahat. Wala akong na-save kahit isa sa mga isinulat ko.

At, dalawang linggo matapos kong i-delete ang buong blog, nag-email si editrixiagomez, nanghihingi ng kopya ang posts at baka raw ay may chance itong isapelikula. Nangako akong gumawa na lang ng script. Hanggang ngayon, di pa ako nangagalahati. Sorry, Jerome.

Hindi rin ako tinigilan ni DM. Nagtxt sa akin. Idedemanda raw niya ako. Tinanong ko sya: Anong case? Paninirang puri daw. Sinagot ko sya: Ang paninirang puri applicable lang kung di totoo ang isinulat ko. Sa kaso niya, totoo.

Tinanong ko rin sya kung sino ang idedemanda nya? Si Mandaya Moore? Di niya sinagot.

Ang huling txt niya: "Basta magdedemanda ako."

Ang huling sagot ko: "Bring on the case."

Hanggang ngayon wala pang summon. Sumakit din ang ulo ko sa kaiisip kung anong kaso ang pwede niya itapon sa akin. Ewan ko lang ha, baka naman absent ako noong araw na itinuro ito sa libel law class ko.

At dahil doon, sinabi ko kay Kulot ang tungkol sa blog. Todo explain ako. Naintidihan naman nya ang concept ng blogging. Sinabi ko rin sa kanya ang tungkol sa reaction ni DM.

"Anong masasabi mo? Baka idemanda ako," sabi ko kay Kulot.

Tahimik lang sya.

"Hoy, baka kunin kang witness laban sa akin," sabi ko.

"Ano naman ang sasabihin ko sa korte?" tanong nya.

"Ang katotohanang singitan ako," sagot ko.

Tumawa lang sya.

Friday, June 15, 2007