Monday, October 29, 2007

Amigas

Itinag ako ni Mrs J. At dahil OK naman ang topic, ginawa ko.

Eto ang sampu sa mga kaibigan kong bayot sa bukid.




Sina Bagtak (left) at Rotchie (right).

Si Bagtak ang original na kaibigan ko. Sya ang nagdala sa akin sa bukid. Dati syang secretary ng dating mayor. Ngayon, municipal administrator na sya sa isang town dito sa aming probinsya.

Si Rotchie naman ang intellectual sa grupo. Dating youth leader. Magaling magsalita. Magaling magsulat. Manager sya sa isang planta ng coco coir (husk) dito sa amin.




Patricia. Estudyante. Pat-patin na bata. Mabait. May pagka-luka-luka ang bruha. Smart talker. Sa first and last time niyang sumali ng Miss Gay Pageant, first runner up ito. Pag-uwi sa bahay at habang nag-aalmusal, sinampal at sinabunutan ng kanyang Nanay dahil bakit sumali sa MG. Pag-alis ng Nanay, comment ng Tatay: "Sayang, dapat ikaw nanalo."




Kirby. Estudyante pa rin hanggang ngayon. Animated kung magkwento. Para kang nanonood ng TV. May kasaling sound effects ang pagkukwento. Minsan, inutusang bumili ng karne, tatlong oras na ay di pa nakakabalik. Pumunta pala sa kabilang town para mamili. Currently in semi-hiding ang bakla. May nagreklamo kasing nanay ng hinada niyang bagets.






Si Glydel (left) at Red.

Si Glydel ay obsessed sa beauty pageants. Halos lahat ng MG sa lugar namin at sa mga karatig bayan ay sinalihan niya. Di rin niya pinapalampas ang mga beauty contests na pinalabas sa TV. Isa syang municipal government worker. Naka-assign sa tourism office.

Si Red. Businesswoman daw. Nagpapa-utang ng mga gluta soap (na super hapdi sa mukha) at Oil of Olay. Suma-sideline din sa parlor ko. Tsismosa kung tsismosa. "Concerned lang ako," ang lagi niyang depensa sa tuwing may nasasagasaan sa kanyang mga tsismis.



Si Fiona. Beautician sa parlor ko. Kasalukuyang sa bahay ko nakatira. Mabait. Mabigat. Pero walang katapang-tapang sa katawan. Kapag may gulo, unang nawawala ang bakla. Tsismosa din.



Si Kaye. Valedictorian noong high school sya. Graduate ng BS Biology. Gusto sanang magproceed ng medicine pero nag-alinlangan at baka di kaya ng budget. Nagtrabaho bilang isang medrep. Katatanggap lang niya sa isang bagong high-paying job.




Si Me-anne. Dating beautician sa parlor ko. Wala kaming away. Di ko lang talaga type na maunang batiin sya matapos nyang umalis sa poder ko. Matagal din kaming di nagkita ng bakla. Missed ko na sya.




Si Erika. Isang nurse na nasa US na ngayon. Noong huling umuwi ang bakla, nagparebond sya ng buhok sa Philosophy Spa sa Davao City. Mahal ang bayad. Pero pangit ang pagkatrabaho. Sa katunayan, sinira ng Philosophy Spa ang buhok niya.

Thursday, October 25, 2007

Busy ako

Magiging busy ako ngayong Sabado.

May baking/cooking class ako buong umaga. Tapos may order pa ng cake yung isang kaklase namin kasi fiesta daw sa kanila.

Magbe-bake din si Kulot ng cake. Birthday kasi ng pamangkin niya at sya ang magdadala ng cake. Ngayon pa lang ay pinaplanuhan na nya ang design. Unang balak nya ay spiderman. Pero sabi ko baka di ma-appreciate ng bata-- two years old pa lang kasi.

Ang suggestion ko, bumili na lang kami ng mga mumurahing toy soldiers at gawin naming parang "ambush scene" ang cake. OK naman sa kanya.

Sa city na namin lulutuin ang mga cakes para hindi maipit sa panahon.

Pero uuwing mag-isa si Kulot. Bakit?

Dahil, a-attend ako ng First Mindanao Bloggers Summit.

Buong araw ang summit pero dadalo ako sa hapon.

Sa mga pupunta, magkita na lang tayo sa venue--- NCCC Mall sa Davao City.


1st Mindanao Bloggers Summit Sponsors:


Sunday, October 21, 2007

Flower pots

Dahil walang nagbibigay ng flowers sa kanya, naisipan ni Fiona na magtanim para sa kanyang sarili.

Ang problema: maliit lang ang lugar namin.

Ang solusyon: flower pots.

Kaya naman kahit di gaanong marunong gumawa ng patungan ng flower pots, sinubukan pa rin ng bakla.




(note: kay Fiona ang mga nakasampay ng undergarments)




Naawa si Kulot at tinulungan ang bakla.



At dahil nagtake-over na ang "Best in Masonry" awardee noong high school, tumabi na lang ang Fiona.

At nagpa-picture.

Thursday, October 18, 2007

Iced Water

Pinaghandaan ng mga bakla ang okasyon. Maagang nagsara ng parlor sina Fiona at Red. Si Glydel naman ay nag-undertime sa trabaho niya sa munisipyo. Fiesta kasi sa isang barangay sa bukid, at may disco.

Naligo ang mga bakla. Nilabatiba ang kanilang mga sarili. Sinuot ang kanilang mga “ukay-ukay” party outfits. Nag-make up. Wala pang alas siete, nakagayak na silang lahat.

Sakay sa isang pampasaherong motor (sina Fiona at Red sa likod ng driver, samantalang si Glydel sa harap at nakaupo sa gas tank), nakarating sila sa venue – isang di sementadong basketball court na binakuran ng pinagdugtong-dugtong na sako ng bigas. Pero kahit masasabing atrasado ang venue, boom-boom naman ang sounds, salamat sa Diores Sound System-- ang natatanging paupahang disco system sa aming bukid.

Pero hindi sayawan ang ipinunta ng mga bakla-- ang mga lalaki. Dito nila nalaman ang problema ni Gyldel.

“Day, nakalimutan kong magdala ng condom,” declare ng bakla.

“Ang tanga mo naman,” sagot ni Red.

“Pahingi naman,” sabi ni Glydel.

Dumukot ang Red sa kanyang bulsa at inabot ito kay Glydel.

Tuloy ang kasiyahan. Kanya-kanyang alisan ang mga bakla. Si Red, kasama ang isang batang lalaki, pumunta sa di kalayuang madilim na lugar. Si Fiona naman ay sa likod lang ng maliit na stage sa harap ng basketball court. Ang Glydel, lumayo pa at nakarating sa isang garden ng kamoteng kahoy.

Pagkatapos ng round one, nagkita sila uli sa isang tindahan.

“Day, pahingi pa condom,” sabi ni Glydel.

“Isa lang ang extra ko,” sagot ni Red.

“Ayoko ko nga, paano kung makarami ako ngayon? Ngayon pa na blooming ako,” naka-smile na sabi ni Fiona.

Walang nagawa ang Glydel. Nag-ala walkout ang drama. Pumunta ito sa pinangyarihan ng first round. Bumalik sa tindahan. Bumili ng iced water. Pero hindi ininom ang binili. Pinanghugas niya ito sa kanyang kamay.

“Anong ginagawa mo?” tanong ni Fiona.

“Recycle,” tanging sagot ng bakla, habang hinuhugasan ang nagamit na'ng condom.

Monday, October 15, 2007

Konam

Dumating si Red na may dalang inahing manok



Syempre, ulam ang tingin namin dito.
Tinanggalan ni Kulot ng balahibo ang leeg.



At sa tulong ni Red at Fiona, inumpisahan na ni Kulot ang operation.




Tumulong na rin si Kaye sa pagtanggal ng balahibo matapos itong paliguan ng mainit na tubig.




Inihanda ko naman ang malunggay at tanglad.



Eto ang resulta.




At eto ang kain na di mo mabibili sa kahit saang mamahaling restaurant, kasama si Kulot at mga kaibigan.

Friday, October 5, 2007

Isabel Granada

Gusto ni Patricia magkaroon ng Isabel Granada eyelashes.

"Lagyan natin ng extension," ang suggestion ni Fiona.

"Sige," ang masayang sagot ng bakla.





OK pa sa umpisa. Excited ang Patricia.




Pero kalaunan ay hindi na sya natutuwa. Super hapdi sa mata ang pandikit na glue.




Hindi na nya ipinagpatuloy pa. Hanggang isang pilikmata ni Isabel Granada lang ang kaya nya.

Thursday, October 4, 2007

Silent Night




Noong nakaraang sabado ay nabigay ako ng isang journalism writing seminar sa staff ng Atenews, ang campus paper ng Ateneo de Davao University. Maliban sa certificate of attendance at maliit na cash, nagbigay sila ng bamboo flute.

Pag-uwi ko ng bahay, praktis agad ang Kulot.

Mula noon, di na naging silent ang nights namin. Pabalik-balik ang mali-mali niyang pagtugtog ng Silent Night.

Pinagpasensyahan ko sya. Pinagbigyan ang hilig niya sa musika. Pinabayaan sa kanyang ambisyong matutong tumugtog ng flute.

Natigil na ang aming di gaanong silent nights.

Ngayon, marunong na rin syang tumugtog ng Leron Leron Sinta, Pamulinawen at Paper Roses.

Monday, October 1, 2007

Itigil ang Libing!

Biernes ng umaga ang libing ni Herman.

Ako, si Kulot at ang mga bakla sa aming bukid ay dumiretso na ng simbahan. At doon ko nakausap si Amay, ang lesbianang negosyante sa aming bukid.

"Dapat magtayo tayo ng grupo," sabi ni Amay.

"Meron na kami," sagot ko.

"Ano?" tanong niya.

"Santa Isabel Gay Association," sabi ko.

"Dapat kasali kami," suggestion ni Amay.

"Pwede rin," sabi ko.

"Pag-usapan natin yan one of these days," sabi niya.

Tumango ako. Pero sa isip ko may pag-aalinlangan ako. Ang SIGA, grupo ng mga bakla, ay magkakaroon ng mga miyembrong tomboy. Ang SIGA ay magiging SIGLA.

Dumating na ang mga labi ni Herman kasama ang isang batalyong bakla na nagmula pa sa iba't-ibang towns. Well-represented ang mga bakla. Sumama rin ang mga tomboy.

Wala naman gaanong nangyari sa simbahan-- the usual misa, nakakaiyak na kantahan, iyakan ng mga kamag-anak at mga malapit na kaibigan.

Ganon din sa sementeryo-- the usual init ng araw at iyakan.

At noong ibinababa na ang kabaong ni Herman -- the usual hagisan ng flowers.

Nagsiksikan ang mga bakla sa hukay. Kanya-kanyang eksena sa paghagis ng bulaklak.

Bigla na lang may sumigaw ng: "Itigil muna ang libing."

At napatigil nga ang lahat.

"Bakit daw? Anong nangyari?" tanong ni Fiona.

"I-check mo nga," utos ko kay Red.

Sinunod naman ito ni Red. Dali-dali itong pumunta malapit sa hukay.

Ilang saglit lang ay bumalik si Red.

"Ano raw?" tanong ko.

"Hay, ang isang bakla pinatigil sandali ang event," sagot ni Red.

"Bakit daw?" tanong ni Fiona.

"Kasi instead na flower, yung Spanish fan niya ang naihagis sa hukay," sagot ni Red.