
Marami ang nagtatanong bakit bigla na lang nawala si Babe in the City. Sabihin na nating napagod na ako sa kanya. Nagsawa.
Hindi naman ako mapiling tao. Pero sadya yatang hindi para sa akin si City Babe. Sa kabilang banda, baka naman sadyang hindi ako para sa kanya.
Hindi naman kami nag-aaway. Pero hindi rin kami nagkasundo. Iba ang type nya sa music. Hindi rin sya palabasa. Mahilig sa pelikula pero di ko naman masakyan ang B movies. Pati outfit nya di ko type. Lalong nahahalata ang age gap namin.
Minsan naman nagkita kami sa mall, dumating ba naman na may headphones sa ulo nya. Buti sana kung iPod ang gamit. Isang MP3 player na Made in China with matching mumurahing headphones na tunog lata.
In fairness, nagkasundo naman kami sa paglalaro ng Nintendo Wii sa NCCC Mall. At sa sex.
Nguni't ang nagtulak sa akin na tigilan na sya ay noong mapansin kong malapit na maubos ang panyo ko.
Iyakin kasi sya.
Konting away ko lang, tutulo ang luha.
"Porke ba nakuha mo na ako, ganyan ka na," eto ang linya nya nang minsan ay tumayo ako sa gitna ng Oh Yeah Moment naman dahil napansin kong wala syang kabuhay-buhay.
"Inaantok ako," ang rason nya.
""Sinabi mo sana, hindi naman ako namimilit. Pwede naman tayong matulog," sabi ko.
Umiyak sya.
At dahil nabigla ako sa nangyari, inamo ko sya. Yumakap sya sa akin. Basa ang dibdib ko sa luha nya. May halong uhog. Dala ng pandidiri, tumayo ako. Kumuha ng panyo. Pinanindigan ko ang aking sinabi, natulog kami.
Pero sadyang mababaw ang luha ni City Babe. Minsan magkatabi kaming nakaupo sa sofa, pa-sweet ang drama, nabugahan ko sya ng usok ng yosi. Umiyak. Ang baba daw ng tingin ko sa kanya.
"Dahil ba nakuha mo na ako," sabi nya, lumuluha na naman.
"Di naman sinasadya. Tinamaan ng electric fan," sabi ko.
Ayaw niya maniwala. Isang panyo na naman ang inilabas ko.
Nakatatlong panyo rin sya.
Umuwi sya sa probinsya nila noong Semana Santa. Pagkatapos ng Holy Week, nagtext sya sa akin.
"Pababalikin mo pa ako?" tanong nya.
Hindi ako nagreply. Hanggang ngayon, deadma ko sya. Naisip ko, mauubos mga panyo ko.