Pagkagising ko kaninang umaga, nabasa ko ang text ni Malyn, pinsan ni Kulot.
"Pinauwi na kami ng doctor. Sa awa ng Diyos, wala namang nakitang bali sa katawan. OK naman ang x-ray," text ni Malyn.
Sinagot ko ito ng "OK. Salamat."
OK na sya. Di ko na kailangan pang manghimasok.
At dahil tinatamad kaming magluto, at may plano rin akong pumunta sa city dahil birthday ng sister ko bukas, sa palengke kami kumain ni Fiona.
Sa karenderia ni Dodong (babae po sya at kapitbahay ni Kulot) kami kumain. Doon ko nakuha ang buong kwento.
Namimitas daw ng manga ang Kulot nang mahulog ito. Mali ang unang report na 15 feet ang taas ng kinalaglagan nya.
"Actually, mga 20 feet," sabi ni Dodong.
"Mabuti na lang sa lupa ang laglag niya, hindi sya sumabit sa poste ng bakod," dugtong naman ng asawa niyang si Bobet.
"Nawalan sya ng malay. Mga ilang minutes ding di sya gumalaw," tuloy na kwento ni Dodong.
Noong magkamalay na, pinatulungan daw iupo nga mga tao ang Kulot.
"Pero sabi nya wag. Nag-iipon pa yata ng lakas," paliwanag ni Dodong.
"E ang bilat, saan?" tanong ni Fiona.
"Nagpanic. Tumakbo pauwi sa kanila," sagot ni Dodong.
Di ako nagreact.
"Ilang minuto rin syang nakahiga. May malay na pero ayaw gumalaw. Sabi nya haayan daw muna sya sa posisyong yon," kwento ni Dodong.
Dumating ang kanyang mga kapatid at nanay. Itinatayo sya. Inuwi sa kanila. Ang Kulot, hirap sa paglakad. Di maigalaw ang leeg. May gasgas sa braso. May sugat sa ulo.
"Para syang robot," sabi ni Bobet.
Tumawag ng ambulansya. Dinala sya sa Mati City. Pero pinauwi din matapos ang x-ray examination. Wala naman daw nabaling buto.
Kaninang tanghali, habang ako ay naghihintay ng bus para Davao City, nagtext si Red.
"Mukhang dadalhin na naman ng ospital si Kulot. May ambulance sa bahay nila," text nya.
Tinext ko si Malyn, nagtanong ako kung anong nangyayari.
"Galing na sila doctor. Nagpacheck up," sagot ni Malyn.
"Akala ko OK na, ano pala problema?" tanong ko.
"May bukol sa likod at dibdib. Nahihirapan syang huminga," text ni Malyn.
Dumating ang bus. Sumakay ako.
"Paki-update lang ako kung ano man ang problema," bilin ko kay Malyn.
Kaninang tanghali pa yon. Nakarating na ako ng city. 7:45 p.m. na. Wala pa ring update si Malyn.