Friday, 31 July 2009

Berde

Ngayon ang huling araw ng Nutrition Month.

Bilang pakikiisa, nagdonate ng dugo sina Fiona at Patricia sa ginanap na bloodletting.




Si Fiona





Si Patricia at ang kanyang bukol



Opo, hindi berde ang dugo ng mga bakla.

Friday, 24 July 2009

OK lang din ako

Matapos kong masigurong OK na sya, siniguro ko namang OK din ako.

Klaro sa akin kung saan ang limitasyon ng tulong na ibibigay ko.


Hindi ko sya inalagaan tulad ng pag-aalaga ko kay Ranger noong nagkasipon ito.

(vicks steam)




Hindi ko sya ipinagluto tulad ng ginawa ko kay Ranger











Ang huling text ni Malyn sa akin: "Katatapos lang ng x-ray. Wala namang bali. Mga pasa lang daw kaya nahihirapan pa rin syang kumilos. Maraming salamat sa tulong."


Hindi ko sinagot para di na humaba pa ang palitan ng text.


Pero nagtext sya uli ng: "May sukli pa 400 plus."


Hindi ako nakapagpigil. Sinagot ko sya ng: "Ibili mo ng mangga-- kalabaw, kabayo, cebu, hinog, hilaw, manibalang. Tapos isaksak mo sa nananakit nyang dibdib."


Si Malyn naman ang di sumagot.


Sa bukid, marami ang lihim na natutuwa sa nangyari kay Kulot -- na nahulog ito sa mangga, hindi man malubha ang kalagayan pero nahulog pa rin. Para sa mga maka-Mandaya, ito ang karma nya.


Pero ito ang sagot ko sa lahat ng nag-aakalang masaya ako sa nangyari: "Hindi ko hiningi sa diyosa ng karma na mahulog sya puno ng mangga. Ang wish ko kasi ay madaganan sya ng puno ng mangga."

Monday, 20 July 2009

OK na sya

Tuloy ang pagti-text namin ni Malyn.


Medyo masama pa ang lagay ni Kulot noong Linggo. Kasinlaki daw ng kamao ang bukol sa kanyang likod at dibdib.


"Pero ayaw niyang ipakita na nahihirapan sya kasi ayaw nyang mag-alala ang Nanay nya," text ni Malyn.


Naiintindihan ko yon. Noon pa man, protective si Kulot sa Nanay niya na may sakit sa puso. At ngayon, kahit hirap ang kalagayan, mas nanaisin pa nyang itago ito para sa ina.


Alam ko rin ang pampinansyal na kalagayan ng pamilya nya ngayon. Kaya kahapon, kahit nasa Davao City ako, nagpadala ako ng pera.


"Huwag mo ng sabihin sa kanya na galing sa akin," text ko kay Malyn.


Kaninang umaga, nagtext si Malyn - di na raw gaanong hirap ang Kulot, di na raw gaanong masakit ang kanyang mga pasa.


"Di lang siya makatayo ng maayos kasi masakit pa rin ang dibdib nya," text nya.


"Magpa-xray na kayo. Sa private hospital ha," sagot ko.


"Sabi nya sa public lang daw para mura. Sabi ko may pera naman. Mamayang hapon siguro punta kami Mati City para magpa-xray," sagot naman ni Malyn.


Nagbilin ako na balitaan ako kung ano ang resulta.


"Para naman mapalagay na ako. At kung talagang ayos na sya, masabi ko na WALA AKONG PAKI," text ko kay Malyn.


"Jejeje," ang sagot niya.


Dahil sa nangyari sa amin ni Kulot, di ko naman ipinagdasal, alam kong karma na lang ang bahala sa kanya. Gusto ko lang klaruhin na hindi ganitong uri ng karma ang ini-expect ko.


Noong Biernes ng gabi, ilang oras matapos syang mahulog sa puno mangga at hindi pa maliwanag ang tunay na kalagayan nya, ginawa ko ang isang bagay na hindi ko ginawa mula noong hiwalayan noong Nobyembre -- ipinagdasal ko sya at umiyak ako.

(Isang dating photo ni Kulot)

Saturday, 18 July 2009

Robot

Pagkagising ko kaninang umaga, nabasa ko ang text ni Malyn, pinsan ni Kulot.


"Pinauwi na kami ng doctor. Sa awa ng Diyos, wala namang nakitang bali sa katawan. OK naman ang x-ray," text ni Malyn.


Sinagot ko ito ng "OK. Salamat."


OK na sya. Di ko na kailangan pang manghimasok.


At dahil tinatamad kaming magluto, at may plano rin akong pumunta sa city dahil birthday ng sister ko bukas, sa palengke kami kumain ni Fiona.


Sa karenderia ni Dodong (babae po sya at kapitbahay ni Kulot) kami kumain. Doon ko nakuha ang buong kwento.


Namimitas daw ng manga ang Kulot nang mahulog ito. Mali ang unang report na 15 feet ang taas ng kinalaglagan nya.


"Actually, mga 20 feet," sabi ni Dodong.


"Mabuti na lang sa lupa ang laglag niya, hindi sya sumabit sa poste ng bakod," dugtong naman ng asawa niyang si Bobet.


"Nawalan sya ng malay. Mga ilang minutes ding di sya gumalaw," tuloy na kwento ni Dodong.


Noong magkamalay na, pinatulungan daw iupo nga mga tao ang Kulot.


"Pero sabi nya wag. Nag-iipon pa yata ng lakas," paliwanag ni Dodong.


"E ang bilat, saan?" tanong ni Fiona.


"Nagpanic. Tumakbo pauwi sa kanila," sagot ni Dodong.


Di ako nagreact.


"Ilang minuto rin syang nakahiga. May malay na pero ayaw gumalaw. Sabi nya haayan daw muna sya sa posisyong yon," kwento ni Dodong.


Dumating ang kanyang mga kapatid at nanay. Itinatayo sya. Inuwi sa kanila. Ang Kulot, hirap sa paglakad. Di maigalaw ang leeg. May gasgas sa braso. May sugat sa ulo.


"Para syang robot," sabi ni Bobet.


Tumawag ng ambulansya. Dinala sya sa Mati City. Pero pinauwi din matapos ang x-ray examination. Wala naman daw nabaling buto.



Kaninang tanghali, habang ako ay naghihintay ng bus para Davao City, nagtext si Red.


"Mukhang dadalhin na naman ng ospital si Kulot. May ambulance sa bahay nila," text nya.


Tinext ko si Malyn, nagtanong ako kung anong nangyayari.


"Galing na sila doctor. Nagpacheck up," sagot ni Malyn.


"Akala ko OK na, ano pala problema?" tanong ko.


"May bukol sa likod at dibdib. Nahihirapan syang huminga," text ni Malyn.


Dumating ang bus. Sumakay ako.


"Paki-update lang ako kung ano man ang problema," bilin ko kay Malyn.


Kaninang tanghali pa yon. Nakarating na ako ng city. 7:45 p.m. na. Wala pa ring update si Malyn.

Laglag

mabilis lang ito. Walang internet connection sa bukid. Celfone lang ang gamit ko. Kaninang alas singko, sunod-sunod na text ang natanggap ko. Nahulog sa puno ng mangga si kulot. Sa umpisa di klaro ang detalye. Nakausap ko kuya nya. Ang sabi: "Mga sobra 15 feet ang taas ng kinalaglagan. May sugat sa ulo. Medyo tabingi ang ulo- may bali yata sa balikat. Medyo may bukol sa dibdib. Nahihirapang huminga. Dinala sa ospital sa mati city. " Di ko alam ano naramramdaman ko. Di ko alam ano gagawin.

Saturday, 11 July 2009

Turok

Nasa city ang mga bakla. Nabayaran na kasi sila sa talent fee nila bilang organizers ng beauty search noong foundation day ng bayan namin. Si Fiona, bumili ng bagong celfone. Si Red, ginawa ang matagal na niyang pangarap-- magparetoke ng ilong.


Ayaw niya akong isama. Ang hindi nya alam, kinausap ko si Glydel para i-document ang event.


Before (sa isang mall)



Pumunta sila sa bahay ni "Doc Rey" sa isang subdivision sa Lanang area dito sa city. Kilala daw itong si "Doc Rey" sa pagreretoke.


Inumpisahan na ang operasyon



At ang pinampunas e tissue paper lang




After

Sunday, 5 July 2009

By Demand

Dahil ang daming nagrequest ng photo o video ng basketball game ng mga bading, hinanapan namin ng paraan.

Di na pala kailangang i-bluetooth mula sa celphone ni Glydel. Tinanggal lang namin ang memory card at isiningit sa celphone ko. Simple lang pero di ko kaagad naisip.


Bago ang laro. Sina Red. Fiona, Patricia at Glydel



Sina Glydel, Nicole, Red at Fiona (kita ang black na strap sa bra)



Si Meanne at ang kalahating katawan ni Oni



Kagabi ko pa sinusubukang i-upload sa youtube ang video (unedited-- kasali na ang mga high school students na kumakain ng hilaw na mangga at ang pagkahaba-habang shot sa upuang kahoy kung saan iniwan ng videographer ang cel phone ni Glydel na naka-on pa rin). Ayaw talaga ma-upload.