"Wag na wag kang magco-collapse, ambigat mo kaya," ang sabi ko kay Fiona Sabado ng umaga.
Ilang oras na lang ay ililibing na ang kanyang ina. Cool lang ang bakla. Kontrolado ang sarili. Inilabas ang bagong puting t-shirt.
"Ang liit naman yata nyan. Di kakaysa sa yo yan," sabi ko.
"Watch ka lang. Pumayat na yata ako," sabi nya.
Totoo, namayat ang bakla. Kanya kasi lahat sa pag-aalaga sa ina.
At di ko napigilang ikumpara kung anong pagsisilbi ang ginawa nya sa ina noong nabubuhay pa ito at ganon din ang ina sa kanya.
Mama Goring: Binubudburan ng baby powder ang malapad na likod ng anak.
Fiona: Pinupunasan ang pawis ng comatose na ina. Nililinisan ang sugat, na resulta ng bedsore, na kasinlaki ng palad.
Mama Goring: Nililinis ang pwet ng anak na pala-ebak.
Fiona: Nililinis ang pwet ng ina. Pinapalitan ng diaper.
Mama Goring: Hinihigop ang pingot na ilong ng siponing anak.
Fiona: Sinisigurong nakakabit ang tubo ng oxygen sa ilong ng ina.
Mama Goring: Hawak ang kamay ng anak nang ito ay nag-aaral pa lang maglakad. Di bumibitiw.
Fiona: Hawak ang kamay ng ina nang ito'y nakahiga na lamang, walang lakas. Kinakausap kahit di sumasagot.
"At least napagsilbihan mo nanay mo," sabi ko kay Fiona.
Di sya kumibo.
"At kahit anong pagsisilbi ang ginawa mo, di mo pa rin kayang tapatan ang lahat ng ginawa nya," dugtong ko.
Di pa rin sya kumibo.
"Di mo kayang tapatan ang iri nya noong ipinanganak ka," dugtong ko pa rin.
Tumingin sya sa akin. Magsasalita na sana pero inunahan ko.
"Fifteen kilos ka kaya noong ipinanganak," sabi ko.
"Ano ako lechon de leche?" tanong ng bakla.
Nagtawanan kami.
Sa simbahan, kontrolado pa rin ni Fiona ang emosyon. Pero nang matapos na ang misa, lumapit sa kanya ang pari. Sa aktong makikipag-handshake na ang pari, inabot din ni Fiona ang kanyang kanang kamay, sabay takip ng mukha gamit ang abaniko.
Umiyak sya.
Dali-dali akong tumayo. Lumabas ng simbahan. Di ko kayang tingnan si Fiona. Mas iyakin ako sa kanya.
Nairaos din ang libing. OK naman si Fiona.
Pagkagaling ng sementeryo, diretso kami sa bahay nila. Kainan na. Ang sarap ng humba.
At sa halip na pagdadalamhati, iba ang problemang inaasikaso ng magkapatid. Kulang kasi ang bote ng softdrink na pina-merienda sa sementeryo.
At dito ko nakitang kaya niyang ipagpatuloy ang buhay.