Pahinga muna, tapos, tanungan na at kodakan, kodakan at tanungan. Nag-umpisa na rin ang free clinic namin. Dok, anong kailangan nyo? Mesa raw. Ano pa Dok? Isang mesa pa ra para sa mga gamot. Dok, meron pa? Interpreter, hindi sya marunong mag-Muslim. Ano Dok, may problema pa ba? Meron pa. Ano? Upper Respiratory Tract Infection, TB, Ulcer, Pagtatae at Ascariasis. Ano? Pakiulit nga, hindi ko nakuha. Mga sakit yan ng mga evacuees.
Gabi na’y hindi pa tapos ang panggagamot. Dok, paano yan, walang kuryente dito? Gasera na lang. Dok, kakain na, Sige, bukas na lang uli. Dok, hindi sila nakakaintindi. Mamang interpreter, paki-interpret.
At nakakain na nga, dapat pahinga ang kasunod, pero hindi, assessment daw ng mga nagawa at mga hindi nagawa. Pagkatapos ng assessment, pagpaplano para bukas. Ba’t, anong meron bukas? Aakyat pa raw sa lugar ng pinangyarihan. Ano? OO. Saan yon? Ilang bundok pa raw. Pinataas ang kamay ng mga gustong sumama. Lima lang pwera ako. Kailangan kong sumama, kailangan ko ng pictures. Nagtaas ako ng kamay. Anim na kami. Anim lang kami? OO, kaya’t matulog na kayo para makapag-ipon ng lakas. At natulog na nga kami.
Alas-kwatro pa lamang ay ginising na ako. Aalis na raw. Ha? Ang aga naman. Para daw hindi kami abutan ng init. Maliligo lang ako. Wag na raw. Magha-halfbath. Wag na rin daw. Hilamos, pwede? Sige. Toothbrush, pwede? Bilisan mo! Binilisan ko.
Kung ano ang hirap ng una naming lakaran, doble, triple ang sumunod. Ang tataas ng bundok, ang lalalim ng mga ilog. Hawakan mo ako. Baka anurin ako ng ilog. Pakidala naman ng camera bag ko, baka mabasa. Shit! Nadulas ako. Malayo pa ba? Malapit na. Saan pa? Nguso ang pinangturo. Yon ang masama dito, hindi yata alam ng guide ang salitang malayo, puro na lang malapit na. Kaya mo pa? OO. Sana magpahinga. Sana magpahinga. Please lang, magpahinga naman. OO magpapahinga, maghahanap lang daw ng may masisilungan. Saan yon? Nagturo ng naman ng nguso.
Hinto raw muna, sabi ng isang kasama. Salamat, nadinig rin ang dasal ko. Pero hindi, hindi raw dito hihinto, sa unhan pa raw. Hindi pala narinig ang dasal ko. Saan? Sa unahan, sa may kubo. Anong kubo? Akala ko ba nasunog na ang mga bahay dito? Hindi pala kubo, bahay-bahayan pala.
Bahay-bahayan ang tawag ko ron dahil bubong lang ang meron. Bubong na cogon na pinatirik ng apat na patpatng kahoy. Apat silang nakatira don, dalawang mag-asawa at dalawang anak na puro madudungis. Tamang-tama naman ang dating namin dahil pananghalian na. Isa uling pasasalamat, gutom na ako. Anong ulam? Sa kanila, gulay. Sa amin, sardinas. Sawa na kami sa sardinas, sawa na sila sa gulay. E di nagswap. Tuwang-tuwa kami. Lalo na sila. Pwes, wala ng problema, kainan na.
Mahabaging Diyos ng mga langaw, bakit pati nilikha nyo’y hinayaang mag-evacuate. Aba, ang mga langaw na ire, uunahan pa yata kami sa pagsubo. Bahala na, dapat may laman ang tiyan, mas malaki naman ang subo namin kaysa sa langaw. Subo, inom, subo inom, subo, inom hanggang sa mabusog. Pagkabusog, yosi. Pagkayosi, kodakan na, Pose dito, pose doon. Pati langaw pose din. At last, natapos din ang pictorial. Lakad na naman daw. Na naman?
Bundok na naman. May napapansin yata ako, pataas nang pataas ang mga bundok dito.
Dalawang bundok na lang daw.
Ang ayaw, magpaiwan, dadaanan na lang pagbalik. Ayaw kong magpaiwan, dalawang bundok na lang. OO, dalawang bundok na lang pero pataas nang pataas ang mga bundok dito. Diyos ko! Bakit gumawa ka pa ng mga bunok? Bakit hindi na lang puro patag? Wala akong magagawa. Ginusto ng Diyos yon. At wala akong magagawa, dalawang bundok na lang.
Akyaaaaaaaaat. Babaaaaaaaaa. Akyaaaaaaaaat. Babaaaaaaaaa. Natapos rin ang dalawang bundok. Ang dalawang bundok na di ko maubos-maisip kung bakit ginawa ng Diyos.
Sa tuktok ng bundok may ilang bahay-bahayang tila tent ng boyscouts na yari sa cogon. At dahil may bahay-bahayan, may mapapahingahan. Pahinga muna. Isang oras munang pahinga! Kalahati lang daw. Sige, kahit kalahati, basta pahinga. Natapos ang kalahating oras na pahinga. Pinatawag ang mga nasunugan, interview portion na.
KLIK! Nagkaroon ng encounter doon sa kabilang bundok ang military at mga rebelde. Namatayan ang mga military. Sa galit, sinunog ang mga bahay namin, pati yung ilang kabang bigas, sinunog din.
Nakita ho ba ninyo? Ang mga military nga ba talaga ang nagsunog? Baka naman mga rebelde?
Hindi mga military yon. Nang magkaputukan kasi, doon ako nagtago sa mga kawayan. Tapos, nagwithdraw ang mga rebelde. May dumating na helicopter, kinuha yung mga patay na kasama ng mga military. Tapos, pinagbabaril nila ang mga bahay, mabuti na lang nagsialisan na ang mga tao. Tapos, sinunog nila ang mga bahay.
OK. Military na kung military ang nagsunog. Pero kanina pa ako nandito, saan ang mga ebidensya? Saan ang mga nasunog na bahay. Sa likod ng bundok na yan. Ano?
No choice, kailangan ng ebidensya bago makapaghusga. Isang bundok na naman. Babaaaaa. Akyaaaaaaaaaat. Wala ng mga bahay, puro abo. Eto ang ebidensya. Eto ang abo. Kodakan na naman. Ubos na ang black and white film ko, rewind, binunot, pinasok ang slides film. Kodakan na naman. Natapos ang pictorial, naubos ang shots, abo pa rin ang dating bahay.
Bumalik kami sa datng bundok, sa mga bahay-bahayan na akala mo’y tent ng boyscouts. Hindi pa kami nakakababa sa bundok, biglang hanging malakas. Uulan yata. At totoo nga, umambon. Takbo. Takbong mabilis. Hingal. Hingal-kabayo. Nakarating kaming buhay, mamasamasa nga lang. Nakisilong kami sa mga T’boli. Nakatawa sila. Kami yata ang pinagtatawanan. At nagawa pa nilang tumawa? Pero wag isnabin, mag ginto sila sa ngipin.
Wala ng ambon, wala na ring hangin. Maglakad daw uli. Saan? Pauwi. Kailangan bang umuwi kaagad? Pwede bang bukas na lang? Mauna na kayo, susunod ako. Teka, hindi. Hindi ko kayang mag-isa. Baka anurin ako ng ilog. Pwede mamaya-maya na lang? Hindi raw, gagabihin sa daan. May flashlight ako. Hindi pwede, delikado. Walang lusot. O sya, umpisahan na ang paglalakad nang makarating ng maaga.
Hindi nagkatotoo ang sabi nilang mas mabilis raw ang pabalik kaysa papunta. Ang pabalik at papunta ay walang pinagkaiba, pareho ang layo, pareho ang daan, kaya’t pareho din ang pahirap at dusa.
At nakabalik nga kami nang buo pwera lang sa gasgas, sugat at lupaypay na katawan. At taas-noo kong ipinangangalangdakan na nakaya ko, kinaya ko, para sa Sambayanang Moro.
Sunday, September 21, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
12 comments:
eh di nag-muscle ang legs mo? hehe. sa paglilingkod sa sambayanan, gumanda ang katawan .. ;)
noon yon. iba na ang pinaglilingkuran ko ngayon. pero long legged pa rin ako.
may padala pala ako para sayo. binigay ko na kay kiks
wow. beauty queen talaga ang dating! isa kang magandang ehemplo sa kabadingan mandaya. mabuhay ka!
*pasensiya teh edi magkita tayo bago ka umalis...baguio knab?
Ang daming bundok nun. Dapat kumanta kayo habang naglalakad, kakahingal nga lang.
Iba pa yung style ng pagsulat mo noon.
wagi...
inspirationing.
(inspiration, 'ning!)
Ikaw ay isang bayani. Pwede ka na i-nominate sa Gabriela Silang Award. Ahahaha.
myk2ts, noon pa yon. year 1989 pa. beauty queen na lang ako ngayon.
mrs j, di ako natuloy ng baguio. balik bukid ako
neneng, ibang-iba nga. ang gulo kong magsulat noon
red, pero sa mga panahong iyon, never naging inspiration sa akin ang ginagawa ko.
mugen, ano prize? hehe
asan ang bunga ng kodakan? seriously, mabuhay ka! saludo ako sa iyong gawain.
aww... balik ka?
sa glorietta pla kayo kumain!
hmmmph e andun din ako ng ngtxt si kiks ng malate kayo!
hay ate ym mo?
mine jheydelacruz- add mo nlng
Iba nga 'yung style ng pagsusulat mo noon. Nanibago akets, pero like ko siya.
Espada ng kasarapan? Pwede na ba yun na prize?
Post a Comment